Apoy
“Niyurakan nila ang aking pagkatao, nilapastangan, winalang
galang, inalipusta…" Ito ang mga katagang namutawi sa kanyang mumunting
bibig ng siya’y aking tanungin tungkol sa kanyang kamusmusan.
Araw-araw matatanaw sa tabing ilog ang batang si Gelay.
Namumulot at nagtitipon ng mga basurang kanyang makita na maaaring
pagkakakitaan. Sa musmos niyang pangangatawan ay nakikipagsabayan na siya sa agos
ng buhay hindi para lasapin ito kundi para magbanat na ng buto. Lumaki sa
iresponsableng mga magulang, daig pa nila si Gelay sa paglalaro – paglalaro ng
baraha.
“Mabuti pa si Inay at Itay naglalaro lang, ako heto lubog sa
tubig para makapera tapos di naman namin makakain dahil pangtaya lang nila ito
sa madjongan. Sambit ni Gelay na may namumuong butil ng luha sa kanyang
kawawang mga mata.
Sa ganitong sitwasyon pinilit parin niyang gapangin ang kanyang
pag-aaral. Kahit pabalik-balik siya sa elementarya dahil kung minsan lang
pumasok ay wala parin siyang pagod sa pagpupursigeng makapagtapos. Makusot ang
kanyang uniporme, walang paligo’t namumugto ang mga mata kung siya’y pumasok sa
paaralan. Kaya di maiiwasang tuksuhin siyang anak lupa o engkanto ng kanyang
mga kamag-aral.
“Nang misang ako’y dumaan sa geyt bigla na lamang napigtas ang
aking isang taong butas na tsinelas, walang anu-ano’y napuno ng bulungan at
tawanan ang mga nakasaksi. Dali-dali ko nalang itong kinuha at mabilis na
tumakbong umiiyak habang naririnig ko parin ang mas lumakas pa nilang mga
halakhak.”
“Kailan pa kaya ako makakatakas sa gapos ng kahihiyan?” Kwento
ni Gelay sa akin habang pilit na binabalikan ang mapapait na parte ng kanyang
istorya.
“Gelay nasaan ka na bang bata ka!” Galit na sigaw ang pumakawala
sa garalgal na boses ng kanyang ina. Naputol ang aming mainit na usapan at
siya’y pumaroon na sa kanyang tigreng ina.
“Simula na naman ng delubyo sa kanyang pagkatao.” Usal ko sa
sarili habang tiningnan ko si Gelay na pinagagalitan ng kanyang Inay Lita.
Panganay sa limang magkakapitid si Gelay kaya siya ang umaako ng
responsibilidad na nakaatang sana sa kanyang mga magulang. Naglalaba,
nagluluto, naghahanap-buhay at iba pa lahat na yata ay pasan niya. At may isa
pa siyang pasan na kaiba sa lahat. Si Gelay ay pinanganak na kuba kaya sa
tuwing may makakita sa kanya’y mamumutwi gaagad ang mga mapanglait na mga ngiti.
“Sa kalye Murat si Gelay ang sikat. Paawtograp naman o Reyna
Kuba, nasaan na ang kampana mo?” Tawanan ang lahat ng ibulalas ito ng isang
babaeng patpatin.
Patuloy lang si Gelay sa paglalakad dala ang dalawang timba ng
tubig. Maya-maya pa’y tumilapon ang kanyang mga bitbit at bumuhos ang laman
nito sa kanya dahil nahulog na naman siya sa patibong ng mga binatilyong walang
magawa kundi ang siya’y pagtripan.
“Balat lang pala ng saging ang katapat mo. Nakayuko ka na nga
bulag pa.” Tawanan ang karamihan.
Pilit tumayo si Gelay at umiiyak na bumalik sa kanilang bahay at
doon bumuhos ang kanyang emosyon. Humahagulgol niyang hinanap ang isang kupas
na litratong nagpapalakas sa kanya, larawan ito ng ating Poong Maykapal. Habang
di alintana ang pagsasama ng luha’t sipon ay pilit niyang tinititigan at
makailang beses hagkan ang litrato. Nangungusap ang kanyang puso, “O Diyos ko!
Kailan pa kaya matatapos ang lahat ng ito.”
Isang ordinary at mainit na araw, maaliwalas ang kalangitan,
walang pag-aalipustang nagbabadya kay Gelay. Pumasok si Gelay sa paaralan dala
ang isang maliit na lapis na wala ng pambura at kwadernong nakita niya sa ilog
na nagdikit-dikit na dahil nabasa ng agos. Nakasilid ito sa bag niyang pirdible
na lang ang nagsisilbing ‘zipper’ nito. Nagpadala siya sa kanyang mga paa sa
maingay, mausok, mabahong kalyeng iyon na kumakalam ang sikmura. Tiniis na
lamang niya ito dahil alam niyang wala naman siyang magagawa.
Matapos ang klase ay dali-dali na siyang lumakad pabalik dahil
oras na ito ng kanyang mga gawaing bahay at siguradong pagagalitan at sasaktan
na naman siya ng kanyang mga magulang kapag di siya makagawa.
Isang maingay na sasakyan ang dumaan sa kanyang harapan na
parang daguhong ng panganib. Bigla siyang kinabahan ng makitang papunta ang
direksyon nito sa kanilang kalye Murat.
Pagdating sa kalye Murat siya’y nanlumo. Nilalamon ng apoy ang
buong paligid at dahil sa kapal ng usok at nagkakanda-ugagang mga tao ay hindi
siya makaderetso. Lahat ay nagnanais makalayo at maisalba ang mga nipundar na
gamit. Walang magawa si Gelay kundi pagmasdan ang pulang elementong tomutupok
sa kanyang kinalakihan.
May namutawing ngiti sa kanyang maputlang mga labi habang
umaagos ang luha sa kanyang mga mata. Ramdam ni Gelay ang pagdaloy ng luha sa
kanyang pisngi. Ito’y parang yelong pumupukaw sa kanyang lungkot at tuwa.
Ngunit bakit siya nakangiti?
Sumasayaw ang pulang elemento na parang inaaliw si Gelay. May
naririnig siyang saliw ng musika, musikang nagpapalubag-loob sa kanyang pusong
nag-iisa. Sa bawat putok na gawa ng mga kawayang nasusunog ay lumilikha ito ng
kakatwang tanawin sa mga umaalab na mata ni Gelay. Ang tanawing ito ang
umuudyok kay Gelay na ipinta ang malapad na ngiti sa kanyang mukha. Namutawi
ang halakhak ni Gelay sa kanyang kinatatayuan. Parang nasa alapaap si Gelay sa
mga oras na iyon, ninanamnam ang tanawing kanyang pinapangarap, ang siya naman
ang tumawa kaysa pinagtatawanan.
Ang katotohanan sa likod ng mga halakhak na ito ay kapayapaan sa
pagdurusang kanyang natikman ng halos labing tatlong taon sa kamay ng kanyang
ama’t ina. Ang luha ay para sa kanyang mga kapatid na hindi man lang nakatikim
ng konting kaginhawahan bago nagpaalam sa mundong kinasadlakan.
Hapon na ng maapula ang apoy. Tinahak ni Gelay ang
malaimpyernong kalye papuntang bahay. Naalis na doon ang bangkay ng kanyang
pamilya at walang nakaligtas kahit na isa dahil tulong ang mga ito ng mangyari
ang sunog. Nang siya’y naroon na, katahimikan ang kumalat sa buo niyang
pagkatao. Hindi niya malaman ang emosyong dumadaloy sa kanyang mga ugat.
Maya-maya pa’y mahabang katahimikan ang umalipin sa kanya, ang kalangitan ay
nagdilim lahat ay madilim, madilim na madilim….
Namulat si Gelay na sa kamay na ng DSWD. Sa pangangalaga na siya
ngayon ng mga awtoridad. Pinipilit na winawaksi ang pait ng kahapon.
Siya si Gelay, ang batang daig pa ang nailibing ng buhay sa
lupit ng karanasan sa kanyang buhay. Ikaw, masisisi mo kaya siya sa kanyang
pagtawa?
Tinanong ko siya sa kanyang karanasan. Ang tangi niyang naitugon
ay: “Niyurakan nila ang aking pagkatao, nilapastangan, winalang galang,
inalipusta…"
0 comments: